437 na LGUs nahaharap sa kaso sa anomalya sa pamamahagi ng unang tranche ng SAP
Umaabot na sa 437 na local elected at appointed public officials at kanilang mga kasabwat ang naipagharap ng reklamo dahil sa anomalya sa pamamahagi ng unang tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), mayroon pang 626 na sumasailalim sa imbestigasyon ng PNP-CIDG kaya inaasahang madaragdagan pa ang makakasuhan.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año, na sa 437 na naisampang reklamo sa Prosecutor’s Office ng Department of Justice, 203 ang elected public officials, na kinabibilangan ng mga alkalde, City/Municipal Councilors, Barangay Captains, Barangay Kagawads, SK Chairmen at SK Councilors.
Mayroon namang 102 na barangay at city personnel, ma kinabibilangan ng Barangay Secretaries, Barangay Treasurers, Barangay Health Workers, Home Owner’s Association Officers, Purok Leaders, City/Municipal Social Welfare and Development Officer, SAP Enumerators ay Day Care Teachers.
“Habang patuloy ang pangalawang yugto ng pamimigay ng SAP, puspusan naman ang ating pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling mga opisyal at ng kanilang mga kasabwat. Sobrang nakakadismaya na nagawa pa nilang mangurakot sa ayudang nakalaan para sa sa ating mga kababayan na lubhang apektado ng pandemya,” ayon kay Año.
Mayorya ng mga kasong isinampa ay paglabag sa Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act; RA 11469 o Bayanihan Act; at RA 11332.
“Ang laban natin sa korapsiyon ay kasing-tindi ng laban natin sa COVID-19, mahirap sugpuin pero hindi tayo susuko hanggang maparusahan ang mga tiwali,” dagdag pa ng kalihim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.