PAGASA, may isang binabantayang LPA sa labas ng bansa; Habagat, patuloy na makakaapekto sa bansa
May isang low pressure area (LPA) na binabantayan ang PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, huling namataan ang LPA sa layong 975 kilometers Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Sa loob ng 24 oras, hindi naman aniya inaasahang magiging bagyo ang LPA.
Ngunit, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na lumakas pa ito dahil nasa Pacific Ocean pa ang LPA.
Bunsod ng trough nito, sinabi ni Clauren na asahang makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan sa Northern Mindanao, Caraga, Davao region, at sa iba pang bahagi ng Visayas sa mga susunod na oras.
Sa Metro Manila at nalalabing parte ng bansa, ang mararanasang pag-ulan ay dulot ng localized thunderstorms.
Patuloy namang nakakaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa Kanlurang bahagi ng bansa.
Ito aniya ang nagdudulot ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Ilocos region, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Zambales, at Bataan.
Samantala, ang Tropical Storm Higos na dating tinawag na “Helen” ay nasa layong 685 kilometers Kanluran ng Basco, Batanes.
Ani Clauren, wala nang direktang epekto ang bagyo sa anumang parte ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.