16 doktor at 32 nurse sa JLGMH sa Olongapo City, sasailalim sa quarantine
Pansamantalang isasara ang ilang ward ng James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH) sa Olongapo City.
Ayon kay JLGMH chief Dr. Jessie Jewel Manuel, ito ay matapos ma-expose ang 16 doktor, at 32 nurse at nursing aid sa isang 75-anyos na babaeng pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Aniya, kailangang isailalim sa quarantine ang nasabing bilang ng medical personnel sa loob ng 14 araw.
Araw ng Lunes, August 17, nang lumabas aniya na positibo sa COVID-19 ang 75-anyos babaeng pasyente na naka-confine sa nasabing ospital.
Symptomatic na aniya ang pasyente dahil nagsimula itong magkaroon ng lagnat, Lunes ng umaga.
“Sa pagsasara natin ng medicine at surgery ward, ang ER natin, ‘yung tumitingin ng COVID patients natin ay deretso pa rin. Kapag meron pa rin tayong COVID suspects at mayroong available na kwarto sa COVID ward natin ay ia-admit pa rin natin,” pahayag nito.
Tuloy pa rin naman aniya ang operasyon ng non-COVID ER ngunit limitado lamang sa emergency consultation o emergency treatment.
“Pero kung ikaw ay maa-admit sa surgery or sa medicine ward ay pansamantala ka muna naming hindi maa-admit at ita-transfer ka muna dahil nga kailangan muna nating i-disinfect itong dalawang wards na ito for three days,” paliwanag pa nito.
Inalam na rin aniya ang mga pangalan ng iba pang pasyente at isinumite sa City Health Office para sa isasagawang contact tracing.
“Nananawagan po kami sa inyo na pakiusap po lawakan natin ang pang-unawa sa ospital sa pagkakataong ito lalong-lalo na po sa pag-aadmit ng mga pasyente sa mga ward na ito. Humihingi po kami ng malaking pasensiya po kung magkakaroon po tayo ng pagta-transfer sa mga pasyente po natin,” hiling nito sa publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.