Anti-Terror Law may mga butas ayon sa FEU Institute of Law Dean
May mga butas at hindi malinaw ang ilang probisyon ng bagong anti-terror law, ayon sa dean ng Far Eastern University Institute of Law.
Sa isang webinar sa ‘Mass Media and the Law’ na idinaos noong Huwebes, sinabi ni Dean Atty. Melencion Sta. Maria Jr. na isa lang ang malinaw sa naturang batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 3, 2020 at naging epektibo noong Hulyo 18, 2020, at ito ay ang paggamit ng salitang ‘suspicion’.
“Ang iba malabo, pero there is one very clear usage of a word—suspicion. Doon hindi tayo nagtatanong, sa akin malinaw na malinaw iyon,” sabi ni Atty. Sta. Maria.
“Is the government weaponizing the law against media?” pagtatanong pa niya sa naturang webinar na pinungunahan ng Philippine Bar Association (PBA).
Ayon kay Sta. Maria, intensiyon ng batas na ilagay ang salitang ‘suspicion’ dahil ilang beses itong nagamit.
“Suspected of committing crime has been repeated not once, not twice, not thrice but eight times in the law. Kung sunod-sunod na ginamit ‘yung phrase na ‘yun alam natin hindi aksidente ‘yun, sinadya ‘yun,” paliwanag ni Sta. Maria.
Pinuna rin niya ang isinasaad ng Section 29 ng anti-terror law na maaaring ilagay ng sinumang militar o pulis sa kustodiya ang mga taong pinaghihinalaang lumalabag sa Section 4 hanggang Section 12 ng batas.
Wala rin aniyang malinaw na interpretasyon ang salitang ‘suspected’ sa ilalim ng Section 3 ng batas kung saan nakasaad ang definition of terms.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng naturang batas, ang Anti-Terrorism Council (ATC) ang magdedesisyon kung sino ang maituturing na terorista.
Samantala, nilinaw naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hindi nakasaad sa Section 29 na binibigyang kapangyarihan ng ATC ang mga pulis na manghuli.
“They’ve been misreading this Section 29… [Sa ilalim ng section 16 at 17] If a police officer or military person suspects someone to be involved in terrorism, what they will do is to ask permission to ATC to file an action with the court of appeals,” pahayag ni Panelo sa parehong webinar.
Tinalakay rin sa webinar ang libel case ni Rappler CEO Maria Ressa at ang hindi pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.
Dumalo rin sa webinar sina Lyceum of the Philippines (LPU) College of Law Dean Ma. Soledad Margarita Deriquito-Mawis, LPU Professor Atty. Carlo Cruz at PBA first Vice-President Rico Domingo.
Katuwang ng PBA ang Harvard Law School Alumni Association of the Philippines at ang LPU College of Law sa programang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.