Mayor sa Agusan del Sur, kinukuwestyon sa pamimigay ng tig-P1,000 sa mga bagong kasal

By Kathleen Betina Aenlle February 29, 2016 - 04:27 AM

 

Inquirer file photo

Naging kontrobersyal ang pamimigay ng isang alkalde ng tig-P1,000 sa mga bagong mag-asawang ikinasal sa isang kasalang bayan sa Agusan del Sur.

Naglabas kasi ng halagang P221,000 si Rosario Mayor Jose Cuyos, na muling tumatakbo sa isa pang termino bilang alkalde, mula sa kaniyang sariling bulsa para mamigay ng tig-P1,000 sa 221 pares ng mag-asawang ikinasal niya sa isang gym sa bayan.

Kasama ni Cuyos sa kasalang bayan ang kaniyang asawang si Juvy na tumatakbo bilang vice mayor, at mga baguhang kandidato sa pagka-konsehal.

Nag-ikot at nakipag-kamay umano si Cuyos sa mga bagong-kasal at personal na nag-abot ng pera sa kanila na nakalagay sa pulang sobre.

Nang tanungin si Cuyos tungkol dito, iginiit niya na wala namang mali sa ginawa niya dahil ginagawa na niya ito simula nang siya ay maging alkalde ng bayan.

Tinutulungan na aniya niya ang mga mahihirap na mag-asawa noon pa man, eleksyon man o hindi.

Ngunit binatikos ito ni Vice Mayor Julie “Onyot” Chua, dating ka-partido ni Cuyos na ngayo’y nasa oposisyon na, at tinawag ang ginawa ng alkalde na isang uri ng pag-bili ng boto.

Ani Chua, malinaw na pinulitika ni Cuyos ang kasalang bayan na isinagawa niya, hindi pa man din nagsisimula ang panahon ng kampanya para sa mga lokal na opisyal.

Una nang naging kontrobersyal si Cuyos nang manalo siya noong 2010, na napaulat na dahil umano sa malakihang pag-bili ng boto.

Ang ginawa ni Cuyos ngayon ay nag-hudyat ng girian sa pagitan ng mga magkakalabang kampo sa pulitika sa kanilang bayan.

Naputol na rin ang ugnayan ni Cuyos sa lahat ng mga kasalukuyang opisyal sa kanilang bayan nang ideklara niyang running mate ang kaniyang asawa, at bumuo ng panibagong linya ng mga kandidato sa pagka-konsehal.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.