Nais na pagsasama sa Anti-Terror Law na i-regulate sa social media, tinutulan ni Rep. Biazon
Tutol ang isa sa dating may-akda ng Anti-Terrorism Law sa isinusulong ni AFP Chief Lt.Gen. Gilbert Gapay na isama sa ilalatag na implementing rules and regulation (IRR) ang pag-regulate sa social media.
Ayon kay House Committee on National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon, walang probisyon na nagsasabing batas na kasama ang social media sa ire-regulate para masugpo ang terorismo.
Lalabagin aniya nito ang karapatan ng publiko lalo na ang freedom of expression at right to privacy.
Tinukoy pa ng kongresista ang Section 16 ng batas kung saan pinapayagan ang mga otoridad na tugisin ang mga terorista na gumagamit ng social media para sa kanilang propaganda sa pamamagitan ng surveillance, interception, at recording ng kanilang mga komunikasyon.
Si Biazon ay nauna nang nag-withdraw sa pagiging may-akada ng Anti-Terror Law habang pinagdedebatehan pa ito noon sa plenaryo dahil sa kanyang paniniwala ay hindi natalakay ng husto ang batas at ito ay adoption lamang ng bersyon ng Senado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.