Senado posibleng magsuspinde ng pasok ng dalawang linggo
Nagkakaisa ang mga senador na suspindihin ang pasok sa Senado bilang suporta sa hiling ng medical and health frontliners na ibalik sa enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, pag-uusapan nilang mga senador mamaya sa kanilang caucus bago ang alas 3:00 na sesyon ang pagdedeklara ng suspensyon ng pasok.
Aniya maaring skeletal force lang ng Senate security ang kanilang papasukin sa loob ng dalawang linggo.
Sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Frank Drilon at Sen. Francis Pangilinan gayundin si Sen. Panfilo Lacson ay nagpahayag na ng kanilang suporta sa balakin.
Bago ito marami ng senador ang kumbinsido na dapat ay pakinggan ang nais ng mga medical and health frontliner.
Sinabi ni Lacson na kailangan na lang maresolba ang isyu na dapat ay may pagsang ayon ng Kamara ang pag-adjourn ng Senado ng higit sa tatlong araw dahil ito aniya ay nakasaad sa Konstitusyon.
Ngunit dagdag pa ni Lacson ang nakikita niyang mangyayari ay hindi naman adjournment sa bahagi ng Senado kundi suspensyon lang ng sesyon ng dalawang linggo.
Sakali naman pumayag ang Kamara o sundan ang kanilang hakbang, ayon pa kay Lacson, maari silang mag-adjourn ng dalawang linggo.
Giit ni Lacson iniintindi rin nila ang kalusugan at kaligtasan ng mga empleado ng Senado.
Si Sotto ang sinasabing pasimuno ng plano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.