Rep. Imelda Marcos, ‘di sinasadyang naki-misa sa mga Martial Law victims
Namataan ang dating first lady at ngayo’y Ilocos Norte 2nd District Rep. Imelda Marcos na nagsisimba sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran, Miyerkules ng umaga, isang araw bago ang paggunita sa EDSA People Power Revolution.
Ngunit, walang kaalam-alam ang biyuda ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na ang misa palang iyon ay inialay para sa mga biktima ng torture at pamamaslang noong panahon ng Martial Law.
Karamihan sa mga nasa misa ay mga biktima ng martial law at kanilang pamilya, mga taga-sulong ng karapatang pantao at mga lumaban sa diktaduryang Marcos.
Si Rep. Marcos ay nakitang nakaupo sa kaniyang wheelchair sa may harapan ng altar, habang ang mga inaalayan ng misa ay nakaupo sa kaniyang likuran.
Ayon sa secretary general ng Promotion of Church People’s Response (PCPR), ang ecumenical group na nag-sponsor ng misa na si Nardy Sabino, bago pa man magsimula ang misa, may nagsabi na sa kaniyang naroon si Mrs. Marcos, at ikinagulat nila ito.
May isa pang survivor ang nagbahagi ng kanilang testimonya sa mga dinanas nilang hirap noong martial law.
Ani Sabino, nakatitiyak siyang narinig rin ng dating first lady ang testimonyang iyon, at aniya, sana ay maintindihan ni Mrs. Marcos ang bugso ng damdamin ng mga biktima at mga nagdusa noon.
Bagaman isa itong malaking “coincidence,” wala naman aniyang sinumang nangutya o nagpakita ng pagiging arogante sa kaniya.
Umalis agad si Imelda Marcos pagkatapos tumanggap ng komunyon, at dumaan sa gilid ng simbahan kaya’t pakiwari niya’y hindi na nito nadaanan pa ang photo exhibit ng rehimeng Marcos na itinayo sa simbahan.
Ang misa pala ay isa ring bahagi ng serye ng mga aktibidad ng Campaign Against the Return of Marcos in Malacanang (CARMMA), na isang organisasyon ng mga survivors at pamilya ng mga biktima ng pang-aabuso noong matial law, na tumututol sa kandidatura ni Sen. Bongbong Marcos.
Napaulat naman na ilang Miyerkules na ring nagsi-simba ang ginang simula nang mag-umpisa ang panahon ng kampanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.