Dating frequencies ng ABS-CBN iminungkahing gamitin muna sa distance learning
Isinusulong ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na pansamantalang gamitin ng gobyerno ang dating television at radio frequencies ng ABS-CBN para sa alternative distance learning modalities ng mga estudyante ngayong darating na pasukan.
Sa inihaing House Resolution 1044, sinabi ni Villafuerte na dapat magamit muna ang nabakanteng frequencies para mapakinabangan sa pagtugon sa epekto ng COVID-19 partikular sa sektor ng edukasyon.
Binanggit nito ang report ng World Bank na dahil sa pandemya, mahigit 1.6 na bilyong mga bata at kabataan ang hindi makapag-aaral sa 161 bansa o halos 80 porsiyento ng mga estudyante sa buong mundo.
Sinabi ng kongresista na sa Pilipinas, hamon sa mga mag-aaral at guro ang access sa internet at gadgets.
Kaya naman kailangan anyang maging malikhain sa remote learning strategies kabilang na ang paggamit ng radyo at telebisyon.
Ayon kay Villafuerte, makatutulong sa paraang ito ang paggamit sa dating frequencies ng ABS-CBN.
Maaari din anya itong magamit sa paghahatid ng mga impormasyon tungkol sa COVID-19 prevention and control, risk-reduction at preparedness.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.