Tropical Depression Carina, napanatili ang lakas habang tinatahak ang Babuyan Islands – Batanes area
Napanatili ang lakas nng Tropical Depression Carina habang tinatahak ang bahagi ng Babuyan Islands – Batanes, ayon sa PAGASA.
Batay sa severe weather bulletin bandang 8:00 ng gabi, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 145 kilometers Silangang bahagi ng Aparri, Cagayan bandang 7:00 ng hapon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Tinatahak nito ang direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
– Batanes
– Babuyan Islands
– northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Lal-lo, Gattaran, at Baggao)
Sinabi ng PAGASA na magdudulot ang bagyo ng kalat-kalat na may katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, at Ilocos Norte.
Mararanas pa rin ang kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan sa Central Luzon at nalalabing parte ng Northern Luzon.
Sinabi pa ng weather bureau na magiging malakas ang alon sa northern at eastern seaboards ng Luzon sa susunod na 24 oras.
Dahil dito, pinayuhan ang mga maliliit na sasakyang-pandagat na huwag munang pumalaot.
Inaasahang hihina ang bagyo at magiging low pressure area (LPA) na lamang sa araw ng Miyerkules, July 15.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.