Dating ‘snap election tabulators’, kabado kay Bongbong
Nangangamba ang grupo ng mga empleyado ng National Computer Center (NCC) na nag-walk out sa National Tabulation Center noong 1986 snap election kung mananalong bise presidente si Sen. Bongbong Marcos.
Ayon sa isa sa 35 na empleyado ng NCC na si Mina Fajardo Bergara, natatakot sila na baka kapag naluklok sa posisyon si Marcos ay gantihan o bawian sila nito dahil sila ay kasama sa mga nag-dulot ng pag-bagsak ng pamilya Marcos.
Ang mga nasabing empleyado ay nag-walk out sa Philippine International Convention Center (PICC) noon, para i-protesta ang nagaganap na manipulasyon sa mga resulta ng snap election sa pagitan ni dating Pangulong Marcos at Ginang Corazon Aquino.
Sina Bergara, Luchi at Mario Lavin, Jane Rosales-Yap, Alice Torres at Linda Angeles-Hill ay tumulong sa pag-develop ng program para sa pagbibilang at pagta-tabulate ng election results.
Ayon kay Lavin, nabatid nila na ang tally na nakalagay sa mga boards na kinokopya ng media ay hindi pareho ng nasa kanilang records.
Anila pa, tumawag sina Bongbong at kaniyang kapatid na si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa ilang miyembro ng board of consultants sa pagbibilang ng boto.
Nakatalga anila sa pagva-validate ng mga resulta ang mga nasabing board of consultants bago ito ipaskil sa mga boards.
Ayon kay Yap, hindi naman nila itinuturo ang nasabing board of consultants na nasa likod ng manipulasyon dahil hindi naman talaga sila nakatitiyak kung sino ang gumagawa nito.
Ang tangi nilang alam ay na magka-iba ang nasa kanilang record at ang ipinapaskil na mga resulta.
Samantala, layon nilang mas maipaliwanag pa sa mga kabataan ngayon ang mga nangyari 30 taon na ang nakalilipas sa kasagsagan ng EDSA revolution.
Ito anila ang nakikita nilang paraan para mapigilan ang pagkaka-luklok ni Sen. Marcos sa pangalawang pinaka-mataas na posisyon sa pamahalaan.
Nilinaw naman nila na hindi sila nag-walk out o nag-protesta para kay dating Pangulong Corazon Aquino, ngunit dahil ayaw nilang maging kasangkapan sa isang maling gawain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.