Mga ahensya ng gobyerno muling kinalampag para sa repatriation ng mga OFW
Muling Kinalampag ni House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa karagdagang flights para sa repatriation ng mga stranded na OFWs.
Ayon kay Defensor, dalawang linggo na matapos ang pagdinig ng Kamara para sa mabilis na pagpapauwi sa mga OFWs ay wala pa siyang update na natatanggap dito.
Paalala ng kongresista sa mga ahensya ng gobyerno, nangako ang mga ito na makikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa arrangement ng dagdag na repatriation flights upang makauwi na sa bansa ang nasa 100,000 OFWs na stranded pa rin hanggang ngayon sa mga host countries mula nang magsimula ang coronavirus disease outbreak.
Iginiit ng mambabatas na ngayong niluwagan na ng IATF ang travel restrictions ay inaasahan niya ang mas maraming inbound planes, commercial man o charter flights, na may sakay na mga OFWs.
Sa nakalipas na pagdinig din ay inihayag ng DFA na may 167,000 na mga OFWs ang naghihintay para sa kanilang repatriation habang sa report ng DOLE ay aabot sa 60,000 Filipino workers na ang nakauwi ng Pilipinas.
Kasama rin sa mga iuuwi ng bansa ay ang 300 labi ng mga kababayang nasawi mula sa Saudi Arabia.
Pinamamadali rin ng mambabatas ang repatriation ng 16,000 OFWs na may plane tickets at exit permits na mula sa mga employers at sa host country at naghihintay na lamang ng go-signal na mapauwi ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.