Mas malaking pondo sa 2021, hiniling ng DA sa Kamara
Nagpapasaklolo na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Department of Agriculture (DA).
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nangangailangan ang ahensya ng mas malaking pondo sa susunod na taon.
Lubhang apektado aniya ng nararanasang COVID-19 crisis ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa budget proposal ng DA ay humihingi ito ng P284.4 billion na budget sa susunod na taon, mas mataas ng 255.9 porsyento kumpara sa pondo sa 2020.
Gagamitin aniya ito sa pag-alalay sa paglago at muling pagbangon ng sektor ng agrikultura at pangingisda sa bansa sa kabila ng naging epekto ng krisis.
Sa ilalim ng 2021 budget ng DA, P55.9 billion dito ay para sa rice sub-sector; P6.6 billion para sa corn sub-sector; P13.7 billion para sa high value crops’ P11.2 billion sa livestock sector; P22.5 billion sa fisheries sector; P960 million sa organic agriculture; at P3 billion para sa ibang support programs.
Tinukoy ni Dar ang kahalagahan ng agrikultura ng bansa partikular sa national development at sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain kung saan 10 porsyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa ay dito nagmumula pero sa nakalipas na sampung taon ay tatlo hanggang limang porsyento lamang ng pambansang pondo ang nailalaan dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.