Special education fund ng LGUs, dapat gamiting pantulong sa private school teachers
Inirekomenda ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na gamitin ang special education fund (SEF) ng mga lokal na pamahalaan para mabigyan ng tulong-pinansyal ang mga guro sa pribadong paaralan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Rodriguez ang mungkahi sa pagtalakay ng House committee on higher education sa panukalang palawigin ang paggamit ng SEF.
Giit ng kongresista, dapat isama sa panukala ang pagtulong sa mga guro dahil may kapangyarihan naman ang Kongreso na magdesisyon kung ano ang makabubuti sa bansa.
Nangangamba ang ilang kongresista dahil ang nakasaad sa batas ay hindi dapat gamitin ang public funds para sa private purposes.
Pero sabi ni Rodriguez, hindi naman ang pribadong sektor ang tutulungan sa hakbang na ito kundi ang mga estudyante sa private schools.
Wala rin anyang masama kung ang mungkahing financial aid sa mga guro ay ituring na tulong sa private schools dahil inaalalayan rin naman ng gobyerno ang mga ito sa pamamagitan ng iba’t ibang programa gaya ng GASTPE o government assistance to students and teachers in private education.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.