Malinaw na paliwanag sa ‘shock bill,’ hiningi ni Sen. Binay
Napabilang na si Senator Nancy Binay sa mga humihimok sa Meralco na magbigay ng malinaw at mas madaling maintindihan na paliwanag ukol sa ‘bill shock’ na inirereklamo ng libu-libong konsyumer.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, iginiit ni Binay na ang tanging hiling ng mga konsyumer ay paano isinagawa ang komputasyon sa konsumo sa kuryente.
Nakakadagdag aniya sa kalituhan ang kulang na impormasyon na nagmumula sa Meralco partikular na sa isyu ng ‘over estimation’ o maging sa ‘under estimation.’
“Tingin ko doon tayo magkakaproblema dahil as a consumer, hindi kami nakakasiguro kung anong buwan ba kayo nag-overestimate o nag-underestimate sa computation ng bill,” sabi ng senadora.
Hinikayat niya ang Meralco na magbigay ng hiwalay na bill ngayong nakapagsagawa na ang power distributor ng actual meter readings.
Sa pagdinig, inamin ng Meralco na ang naipadala nilang bill ay base sa average electric consumption mula Disyembre hanggang Pebrero dahil hindi sila napagbasa ng mga metro dahil sa pag-iral ng enhanced community quarantine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.