Traditional Jeepneys, babalik talaga! – ‘WAG KANG PIKON ni Jake J. Maderazo
Ipinahayag ng LTFRB na babalik anumang oras sa linggong ito ang biyahe ng higit 10,000 “traditional jeeneys” dito sa loob ng Metro Manila.
Pero, kailangan ang “minimum health standards” upang hindi magkahawaan ng COVID-19 ang mga pasahero at driver.
Ayon sa FEJODAP, ang mungkahi nila ay tig-labing-isang pasahero lang ang payagan bawat biyahe,tig-limang magkaharap sa likod na may plastic dividers, at isa lamang katabi ng driver. May alcohol sa buong biyahe at ang bayaran ay gagawin sa terminal. Kaya lamang, ang pinakamatinding kundisyon ng LTFRB ay ang pagbabago ng kanilang mga ruta na dati rati ay mahahaba na babaguhin na ngayon. Halimbawa nito ang biyaheng Fairview- Pier Luneta na bumabaybay sa Commonweatlh ave at Quezon ave, o ang Malanday-Pier na tumatakbo sa MacArthur Highway-Rizal Ave. at Lawton. Ito’y nagbabadya na walang babalikang ruta ang karamihan ng mga traditional jeepneys, lalot karamihan ay “expired” na ang mga prangkisa. Gayunman, wala pang sigurado rito hanggat hindi lumalabas ang “final guideline” ng LTFRB.
Pero, nitong nakaraang linggo, 34 na bagong ruta ng mga “modern jeepneys” na may pangunang 308 units ang binigyan ng special permits na bumiyahe. Ang mga ruta ay napansin kong ma-iigsi di tulad ng dati at bawal na ang pagdaan sa mga “main highways”. Ang pasahe ng “modern jeepney” ay P11 sa unang 4 kms at P1.50 sa succeeding kilometer sa “non-aircon” at P1.80 naman sa “aircon”. Bukod dito, bawat unit ay merong valid passenger insurance policy at merong “global positioning systems” (GPS).
Sa tingin ko ,ang direksyon ng gobyerno ay ilagay sa mga “side streets” o sa mga “intersecting roads” ang mga traditional jeepneys. Una, para hindi na sila makalubha pa sa trapiko sa main highways. Ikalawa , sila ang taga-feed ng mga pasahero sa mga ruta ng mga bus. Maging ang 47 bagong ruta ng UV EXPRESS na ngayo’y “point to point” na lamang ay bawal nang dumaan sa Commonwealth avenue at sa EDSA. At sa nakikita ko, lahat ng mga circumferential roads, arterial roads at maging radial roads ay ilalaan na sa mga malalaking bus.
Tandaan ang “mantra” ng LTFRB, isang bus ay katumbas ng limang pampasaherong jeepney. Ibig sabihin, kapag puro bus ang nasa Espana, Quezon Avenue at Commonwealth, mas luluwag ito dahil wala nang jeepney.
Kaya naman, inaasahan kong babalik na talaga ang mga “traditional jeepneys” pero doon na lamang sila sa lumang biyahe tulad ng Tayuman-Lardizabal (Sta.Mesa Pritil), Balic-Balic Quiapo, Lealtad Quiapo, Paco-City hall, Paco-Rockwell at iba pang bagong ruta sa side streets tulad ng Quezon Institute-Banawe-Bonifacio, Roosevelt- mula quezon ave–Congressional ave at marami pang iba.
At sa kabuuan, maipupwesto na ang binhi ng tunay na “mass transportation system”sa Metro Manila na nakasentro , una sa mga rail systems, tulad ng MRT3, LRT1 , LRT2 , PNR at sa bubuksang MRT7, ang Mindanao Subway at Makati Subway sa hinaharap.
Suportado ito ng mga bus systems mula labas ng Metro Manila, papasok sa Santa Rosa terminal , FTI complex, PITX, Valenzuela interim bus terminal at kakabit sa EDSA buses. Samantalang ang malalaking kalye sa loob ng NCR ay puro bus ang bumibiyahe at ang mga modern at traditional jeepneys sa sidestreets.
Tandaan ninyo na sa Disyembre, bukas na ang SKYWAY3 (Balintawak-Buendia) at ang bagong tulay sa ORTIGAS-BGC na magpapaluwag pang lalo sa EDSA. Sana magkatotoo na lahat ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.