Batang tinulungan ni Senador Go sanhi ng sakit sa atay nagdiwang ng kanyang ika-5 kaarawan; nagbigay pag-asa sa mga pasyente na may kahalintulad na sakit
Isang patunay nang pag-asa. patuloy na nabubuhay nang normal at maayos na pangangatawan si Baby Xia, makaraang ang matagumpay na
biliary atresia operation nito noong 2019. Sa katunayan ay ipinagdiwang pa niya ang kanyang ika-limang taong kaarawan noong araw ng miyerkules, June 24.
Ang Biliary atresia ay isang uri ng liver disease na karaniwang tumatama sa mga sanggol kung saan naaapektuhan ang kanilang bile ducts, ang tubo sa atay. Kapag hindi kaagad nagamot ay maaring ikamatay ng pasyente.
Naging instrumento sa pagpapagamot kay baby Xia si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, na tumulong para sa operasyon sa India ng bata kasama ng kanyang pamilya.
Nagpaabot nang pambati si Go sa Kaarawan ng bata.
“Nakakatuwa na nakikita kong napakalusog ni Baby Xia ngayon. Baby Xia, I hope to see you soon. Ingat po parati ngayong panahon na ito. Magdasal lang tayo at malalampasan din natin ito,” saad ni Go sa kanyang pambati.
“Alam ko pong mahal na mahal niyo po siya. At gusto ko siyang makitang lumaki na isang mapagmahal na anak. Salamat at happy birthday, Baby Xia,” mensahe ni Go sa mga magulang ng bata.
Sa panayam sa mga magulang ni Baby Xi, Ibinahagi nina Eric Ngo at Rowena Quipanis ang kanilang pinag-daanan habang naghahanap ng medical intervention para sa kanilang anak na babae.
Ayon kay Rowena, hindi nila sukat-akalain na tatamaan ng biliary atresia ang kanilang anak na noon ay dalawang buwan pa lamang.
“Bale noong sinabi lang ng doktor na kailangan temporarily ma-operahan, hindi namin alam ‘yung gagawin namin at awa ‘yung naramdaman namin para sa anak namin. Pero pinilit namin magpakatatag kasi in-expect namin na after operation ay tapos na, pero hindi rin pala kasi kailangan pa i-continue ‘yung hanggang ma-achieve namin ‘yung liver transplant,” wika niya.
“Doon gumuho ‘yung mundo namin na hindi namin alam kung paanong solusyon ‘yung gagawin namin. Gumawa kami ng paraan para kahit papaano po ay makalikom po kami,” dagdag pa ni Rowena habang palala nang palala ang kondisyon ng anak na noon ay sumusuka na rin ng dugo.
Kinailangan aniya nila na magtinda ng designed t-shirts at humingi ng tulong sa kamag-anak at mga kaibigan. Lumapit din sila sa non-government organizations at ibat-ibang support groups.
“Noong panahon na ‘yun, hindi ko na iniisip ‘yung para sa sarili namin, kundi para na lang sa anak namin. ‘Yun nga po, lumapit po kami kung saan-saan,” pahayag ni Rowena habang idenidetalye ang kanilang karanasan.
“Naranasan namin matulog at mag-intay sa labas ng iba’t ibang opisina. Tapos, naranasan din po namin (magbigay ng) alkansya, ‘yung lata po kung saan-saan po namin iniiwan kung sino pong papayag, sino pong tatanggap,“ dagdag pa nito.
Sa kabutihang palad ay dumalo umano sila sa isang event sa Taguig City noong October 14, 2018 kung saan guest of honor noon si Go na noon ay Special Assistant to the President pa lamang.
Nagkaroon aniya sila nang pagkakataon na makadaupang-palad ang senador at nalaman ang kanilang sitwasyon kayat kaagad itong nagpaabot ng tulong.
Sabi ni Rowena, “Hindi siya nag-atubili na kausapin kami, na nakinig po siya sa side po namin, sabi ko po na tulungan niya po ‘yung anak namin na mabuhay po.”
Naalala pa ni Rowena ang sinabi sa kanila ni Go, “Hindi ko man maibigay ‘yung dalawang milyon na kailangan para sa operasyon, at least kung ano po ang maitutulong ko.’ Itutulong po niya, sabi niya sa amin. Doon po, nabuhayan na po kami ng loob noon…hindi niya talaga kami pinabayaan.”
Sa pamamagitan ng tulong ni Go at iba pang government agencies, private donors at ng Office of the President, ay naipadala si Baby Xia sa India noong April 2019 at sumailalim sa matagumpay na operasyon.
Tuloy-tuloy naman ang after-care medical assistance na ipinagkakaloob sa bata, ilang buwan matapos ang kanyang operasyon.
“Bale po ‘yung binibigay sa amin monthly ‘yung mga pangangailangan ni Xia, ‘yung mga laboratories niya, mga para sa ospital po niya, ‘yung mga parang kailangan po niya mga gatas, diaper, groceries po, ‘yun po,” Paliwanag ng ina, habang nagkaroon din sila nang pagkakataon na makadaupang-palad ng personal si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Sa kanyang panig, Nanawagan naman si Go sa pamahalaan na paunlarin pa ang probisyon sa pagbibigay ng accessible healthcare services at training para sa health professionals para sa paggagamot ng liver diseases, lalo na ang biliary atresia, para dina kailangan pang lumipad patungo sa ibang bansa ang mga pasyente para lamang maoperahan.
Kasalukuyang pinaghuhusay ng gobyerno ang kapabilidad ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) para magsagawa ng naturang operasyon.
Para sa short-time solution, isang consortium naman ang binuo ng Office of the President, Department of Health, Philippine Children’s Medical Center at ng The Medical City, kung saan magkakaloob nang tinatayang P3.6 million budget sa kada benepisyaryo.
P2.9million sa naturang pondo ay ilalaan sa operasyon sa TMC habang ang nalalabing pondo ay gagamitin sa pre-operation at post-operation care sa PCMC.
Para naman sa long-term solution, magde-develop ang gobyerno ng pasilidad sa NKTI at ipadadala an gin kanilang mga espisyalista sa Kaohsiung Chang-Gung Memorial Hospital sa Taiwan para sa training.
Pinondohan ito ng gobyerno ng P58.1 million para sa equipment na kinakailangan ng NKTI at P1.3 million para sa batch ng labin’dalawang specialists na sasanayin sa Taiwan sa loob ng dalawang buwan.
“Nais natin na ang mga pasyente ay magtiwala po sa kakayahan ng ating mga doktor. Gusto nating sabihin sa kanila na hindi na nila kailangang pumunta ng ibang bansa para sa liver transplant. Magtiwala sila sa ating local doctors,” Sabi ni Go sa kanyang mga naunang Pahayag.
“Yun po ang objective natin dito, as soon as possible sana. Sana ay maging at par tayo sa ibang bansa pagdating sa ganitong specialized healthcare services,” dagdag pa nito.
Sabi ni Go, maraming mga bata na may kahalintulad na kondisyon ang humihingi ng tulong.
Giit ng senador, “Kung mayroon tayo dito sa Pilipinas ng mga kailangang equipment, mas maraming well-trained specialists at mas murang operasyon, hindi na kailangang magpagamot pa sa ibang bansa ang mga pasyenteng ito.”
Sa kasalukuyan ay tatlong beses na mas mahal ang liver transplant sa Pilipinas kumpara sa operasyon sa India na aabot lamang ng P1.2 million.
“Magtulungan tayo maisaayos ang ating mga pasilidad pangkalusugan para hindi na natin kailangang umasa sa ibang bansa para sa mga operasyon tulad ng paggamit sa biliary atresia. Magagaling naman ang ating mga doktor. Lets aim to make our healthcare services at par with the rest of the world to cater to the needs of our fellow Filipinos,” Sabi ni Go.
Maliban Kay Baby Xia, tinutulungan din ng Office of the President at ni Go ang mga batang May kahalintulad na karamdaman, tulad nina Eren Arabella Crisologo ng Butuan City at Dionifer Zephaniah Itao mula naman sa Cebu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.