Ilang kadete ng PMA, kinasuhan na dahil sa pagkamatay ni PMA cadet Dormitorio
Kinasuhan na ng Baguio City Prosecutors Office ang ilang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na sangkot sa pagkasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Sa 66-pahinang resolusyon, kasong paglabag sa Section 14 (a) ng Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law ang isinampa laban kina PMA 3rd Class Cadets Shalimar Imperial at Felix Lumbag Jr. dahil sa umano’y partisipasyon nito sa pagsasagawa ng hazing na nauwi sa pagkamatay ni Dormitorio.
Maliban dito, kinasuhan din ang dalawa ng murder kasama sina Capt. Flor Apple Apostol, Maj. Maria Ofelia Beloy, at Lt. Colonel Ceasar Candelaria mula sa PMA Station Hospital (PMASH).
Samantala, kinasuhan din si PMA Cadet Julius Tadena dahil sa paglabag sa Section 14 (b) ng Anti-Hazing Law nang mapasama sa hazing activity at dahil sa “less serious physical injuries.”
Nagsampa rin ng kaso laban kay 2nd Class Cadet Christian Zacarias bunsod ng slight physical injuries.
Na-dismiss naman ang kaso laban kina 1st Class Cadet Rey Sanopao, 3rd Class Cadet Rey David John Volante, 3rd Class Cadet John Vincent Manalo, Maj. Rex Bolo at Capt. Jeffrey Batistiana dahil sa kakulangan ng probable cause.
Na-dismiss din ng prosecutors ang kaso laban kina PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Brig. Gen. Bartolome Vicente Bacarro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.