Dr. Leachon: Para akong basurang itinapon
Emosyonal si Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon kasunod ng mga balitang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang may gustong magbitiw siya bilang special adviser ng National Task Force Against COVID-19.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, naiyak si Leachon dahil tila nawalang saysay aniya ang mga ambag niya sa pamahalaan bilang isang health reform advocate.
Sinabi ni Leachon na para siyang basurang itinapon lamang gayong ang tangi lang naman niyang ginawa ay ibigay ang totoong impormasyon at ilahad sa publiko ang estado ng bansa kaugnay sa COVID-19.
Ani Leachon noong panahong special adviser pa siya ng NTF, may mga pagkakataon na nawalan siya ng ‘inner peace’ dahil wala siyang kakayahang sabihin ang totoo.
Tuwing magsasalita aniya siya ay tinatawagan ni Health Sec. Francisco Duque III at ni Presidential Spokesperson Harry Roque si NTF chief implementer Carlito Galvez.
Sinabi ni Leachon na siya ay isang ordinaryong mamamayan lang kaya hindi patas na sinisira siya ngayon nina Duque at Roque.
Kasabay nito nanindigan si Leachon na may problema pa rin ang bansa sa pag-uulat ng datos sa COVID-19.
Aniya hindi real time at granular data ang inilalabas ng DOH at malaki ang epekto nito sa pagtugon ng bansa sa sakit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.