Umabot na sa 61 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pagtaob ng MB Kim Nirvana sa Ormoc City.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo na dalawa pa ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa trahedya.
Sa ngayon, aminado si Balilo na hindi nila alam kung ilan pa ang bilang ng mga kailangang hanapin dahil kung ang pagbabatayan ay ang bilang ng mga nailigtas at bilang ng mga nakuhang labi ay lumagpas na ito sa nakasaad sa manifesto na sakay ng nasabing bangka.
Ayon kay Balilo, tiyak na may nagsisinungaling kaugnay sa naganap na trahedya dahil sa simula ay pinaniwala ang pamunuan ng Coast Guard na 187 lamang ang sakay ng bangka.
Pero mismong ang kapitan aniya ng MB Nirvana ay pabagu-bago ng pahayag sa bilang ng mga kasama nilang tripulante. Sa simula ay sinabi ng kapitan na 16 lang ang kasama niyang crew, pero kalaunan sinabi nitong nagdagdag pa sila ng tatlo.
“Tumindig kami sa sinabi ng Coast Guard namin doon sa bilang, pero yun nga may nagsisinungaling dito. Sabi nga ni Commandant Isorena dapat talaga may managot dito,” ayon kay Balilo./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.