Nasawi ang dalawa pang pulis dahil sa COVID-19.
Ayon sa PNP Health Service, pumanaw ang PNP patient number 390 (PNP-390) na 46-anyos na pulis at patient number 400 (PNP-400) na 29-anyos na pulis.
Kapwa nakatalaga ang dalawa sa Cebu City.
Unang na-confine sa ospital ang PNP-390 noong June 4 matapos magkaroon ng lagnat, ubo, hirap sa paghinga, diarrhea, pagkahilo at nausea.
Na-admit naman sa ospital ang PNP-400 noong June 7 makaraang masangkot sa isang aksidente.
Kapwa lumabas sa RT-PCR test na positibo ang dalawa noong June 10.
Sinabi ng PNP Health Service na pumanaw ang dalawa noong araw ng Linggo, June 14.
Nagparating naman ng pakikiramay si PNP Chief General Archie Gamboa na naiwang pamilya ng dalawang nasawing pulis.
Tiniyak nito ang pagbibigay sa pamilya ng financial support at social benefits.
Sa ngayon, umabot na sa pito ang bilang ng mga nasawi sa hanay ng pambansang pulisya.
Samantala, sinabi rin ng PNP Health Service na 414 pulis na ang tinamaan ng pandemiya kung saan 240 ang naka-recover.
Nasa 136 pasyente ang nananatili pa rin sa quarantine facilities, 15 ang naka-admit sa iba’t ibang ospital habang 16 naman ang nakasailalim sa home quarantine.
Batay din sa datos, 722 PNP personnel ang itinuturing bilang probable persons under investigation (Probable PUIs) at 873 naman ang suspected persons under investigation (Suspected PUIs).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.