7 sugatan sa aksidente sa Parañaque at Valenzuela
Pito ang sugatan sa magkahiwalay na aksidenteng naganap sa Baclaran sa Parañaque City at sa Paso de Blas sa Valenzuela City.
Sa Airport Road kanto ng Roxas Boulevard, apat ang sugatan matapos na araruhin ng isang pampasaherong jeep ang mga tumatawid.
Agad isinugod sa ospital ang apat na nasugatan kung saan ang dalawa sa kanila ay pumailalim pa sa jeep.
Ayon sa driver ng jeep na si Ronald Borcelas, nawalan ng preno ang minamaneho niyang jeep kaya niya nasagasaan ang mga tumatawid na pedestrian.
Ayon naman sa mga MMDA traffic enforcer sa lugar, matulin ang takbo ng jeep na may plakang NWT 996.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na peke ang lisensyang gamit ni Borcelas na halatang idinikit lang ang kanyang larawan sa lisensya na pag-aari talaga ng kanyang kapatid.
Aminado naman si Borcelas na peke nga ang kanyang lisensya dahil hindi siya makakuha ng bagong lisensya bunsod nang napakaraming traffic violation na kinakaharap mula pa noong 2013.
Samantala, tatlong katao naman ang nasugatan matapos araruhin ng isang truck ang pitong sasakyan sa Paso de Blas.
Kabilang sa mga napinsalang sasakyan ang isang L300 van, isang closed van, isang motorsiklo, isang bisekleta at tatlong tricycle.
Nadamay din sa aksidente ang dalawang tindahan sa M. San Diego St., malapit lamang sa Malinta exit ng North Luzon Expressway.
Ayon Kay Rod Delos Santos ng Command Center ng Valenzuela, kagyat na isinugod sa Orthopedic hospital ang tatlong nasugatan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.