Internet status sa bansa pinasisilip ni Senator Lito Lapid
Naghain ng panukala si Senator Lito Lapid para maimbestigahan sa Senado ang internet connectivity sa bansa.
Sa kanyang Senate Resolution No. 414, gusto ni Lapid na malaman ang bilis ng internet connection, gayundin ang bandwidth capacity at iba pang isyu ukol sa internet ngayon umiiral na ang ‘new normal’ sa Pilipinas.
Katuwiran ng senador napakahalaga sa panahon ngayon ng internet dahil sa mga contactless o online transactions, sa pinaiiral na work from home policy ng ilang kompaniya.
Dagdag pa nito mahalaga din ang maasahan na internet connectivity dahil sa binabalak na distant learning sa pagbabalik ng klase.
Banggit nito nangungulelat pa rin ang Pilipinas sa internet speed at aniya base sa April 2020 Speed Test Global Index, pang 121 ang bansa sa 139 bansa sa usapin ng mobile internet speed.
Samantala, pang 110 naman tayo sa 174 bansa isyu ng fixed broadband connection speed.
“Talagang nakakadismaya ang internet service dito sa Pilipinas lalo na kung ikukumpara sa mga kalapit ng bansa na malayo na ang narating pagdating sa aspetong ito. Isa sa mga tinitignang dahilan ng napakabagal nating internet ay dahil sa kakulangan ng imprastruktura para mapabilis at mapalakas ang connectivity. Isa itong bagay na dapat matalakay naming mga mambabatas para mahanapan ng solusyon dahil hindi lang naman ngayon kakailanganin ang mabilis na internet connection. Itinuturing na ito na sa mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayang hanggang sa hinaharap,” diin ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.