Cellphone at TV, dahilan ng paglabo at pagkabulag ng mata
Darating ang panahon na kalahati ng populasyon ng mundo ay makakaranas ng ‘short-sightedness’ na posibleng humantong sa pagkabulag.
Ito ang resulta ng pag-aaral ng joint study na isinagawa ng Australian-based Brien Holden Institute, University of New South Wales Australia at Singapore Eye Research Institute.
Ayon sa pag-aaral pagsapit ng taong 2050, nasa 5 bilyong katao ang magiging ‘myopic’ o ‘short sighted’ at isang bilyon dito ang posibleng mabulag dahil sa panonood ng sobrang telebisyon at paggamit ng cellphone.
Bukod sa TV at cellphone, matindi rin ang negatibong epekto sa mga mata ang kawalan ng outdoor activities.
Paliwanag ni Sumrana Yasmin, Director of South East Asia and Eastern Mediterranean Region institute, maraming mga kabataan ang hindi na lumalabas ng bahay at nag-eehersisyo at sa halip ay nakatutok na lamang sa TV, sa computer at sa kanilang mga cellphone.
Dahil dito, maaga aniyang lumalabo ang mata ng mga kabataan at lalo pa itong lumalala sa paglipas ng mga taon.
Payo ng mga eksperto, dapat himukin ang mga bata na iwasan ang sobrang panonood ng telebisyon, paglalaro ng computer at cellphone upang hindi maapektuhan ang kanilang long-distance vision.
Dapat din aniyang magpakonsulta sa mga espesyalista sa mata isang beses kada taon upang mapigilan ang banta ng paglabo ng ‘short-sightedness at pagkabulag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.