87 porsyento ng mga Pinoy, nababahala na tamaan ng COVID-19 – SWS
Mayorya sa mga Filipino ang nababahala na tamaan ng Coronavirus Disease o COVID-19, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa Covid-19 Mobile Phone Survey, lumabas na 87 porsyento ng mga Filipino ay nangangamba na mahawa ang sinumang kaanak ng COVID-19.
Sa nasabing bilang, 73 porsyento ang “worried a great deal” habang 14 porsyento naman ang “somewhat worried.”
13 porsyento naman ang nagsabi na hindi nababahala na maaapektuhan ng COVID-19 pandemic kung saan pitong porsyento ang “worried a little” at pitong porsyento rin ang “not worried.”
Kumpara sa mga naunang isinagawang survey, mas mataas ang bilang ng mga Filipino na may pangamba na magpositibo sa COVID-19 kumpara sa mga sumusunod na sakit: Ebola noong 2014; Swine Flu noong 2009; Bird Flu noong 2006 at 2004; at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong 2003.
Lumabas sa survey na mas maraming residente sa Metro Manila ang nababahalang mahawa ng nakakahawang sakit na may 93 porsyento at Visayas na may 91 porsyento kumpara sa Mindanao na may 85 porsyento at Balance Luzon na may 84 porsyento.
Mas mataas din ang nababahalang Filipino ukol sa COVID-19 kumpara sa mga Britons, Australians, at Americans, base sa kaparehong survey.
Samantala, halos lahat o 94 porsyento naman ng mga Filipino ang may kamalayan ukol sa mga sintomas ng nakakahawang sakit kung saan umabot sa 87 porsyento sa lagnat at 86 porsyento sa ubo.
Narito naman ang datos sa iba pang sintomas ng pandemya:
– Sipon – 50 porsyento
– Hirap sa paghinga – 46 porsyento
– Pananakit ng lalamunan – 33 porsyento
– Pananakit ng katawan – 20 porsyento
– Sakit ng ulo – 15 porsyento
– Diarrhea – 11 porsyento
– Constant fatigue – 2 porsyento
– Iba pang sintomas – 10 porsyento
Isinagawa ang Covid-19 Mobile Survey sa 4,010 working-age Filipinos sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interviewing simula May 4 hanggang 10, 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.