Prangkisa ng mga broadcast network muling pag-aaralan ng Kamara
Magsasagawa ng pag-aaral ang legal services ng Kamara ang pag amyenda sa mga prangkisa ng iba’t-ibang broadcast network sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagkwestyon ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa isang probisyon sa House Bill 6732 na layuning bigyan ang ABS-CBN ng provisional franchise hanggang October 31, 2020.
Ayon kay Rodriguez, nakasaad sa isa sa mga probisyon ng panukala ang pag-o-obliga sa ABS-CBN na maglaan ng 10% na libreng public service time para sa gobyerno na katumbas ng mga paid commercials o advertisements.
Magiging paglabag aniya ito sa Konstitusyon partikular sa ‘equal protection of the laws’ dahil ang nasabing probisyon ay hindi naman makikita sa mga naunang inaprubahang prangkisa sa mga telebisyon at radyo sa bansa gayundin sa iginawad na franchise sa ABS-CBN noong 1995.
Dahil dito, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na mas makabubuting amyendahan ang mga existing franchise ng mga broadcast companies sa halip na baguhin ang probisyong nakalagay sa provisional franchise ng ABS-CBN.
Katwiran ng Speaker, ito ay para maging pantay na ang lahat sa pagbibigay ng 10% free public service time na tiyak na mas pabor para sa gobyerno lalo pa’t free-airwaves naman ang binibigay sa mga networks.
Mainam din aniya na ilatag ang probisyon na ito sa mga similarly situated networks tulad ng ABS-CBN, GMA7 at TV5.
Kung noon pa anya nagawa ito ay tiyak na matagal nang nakapaghanda ang pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic dahil sa lawak ng maaaring maabot gamit ang serbisyo ng mga broadcasting stations.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.