P19-M halaga ng shabu, nasamsam sa walong suspek sa Caloocan City
Nakumpisma ng mga tauhan ng Northern Police District ang mahigit P19 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ikinasa ang buy-bust operation sa bahagi ng Gilmar Subdivision sa Barangay 168, Zone 15, District 1 sa Deparo dakong 7:30 ng gabi.
Nag-ugat ang operasyon mula sa naunang buy-bust operation noong May 11 kung saan naaresto ang apat na suspek.
Nahuli ang mga suspek na sina Arthur Salguero alyas Gigi, 49-anyos; Rose Cruz alyas Jok jok, 31-anyos; Herchill Resco; Jhon Dale Estorninos; William Tante Jr., 39-anyos; Joshua De Andres, 24-anyos; Albert Delema, 27-anyos; at Ricky Nelson Cruz, 57-anyos.
Sina Salguero at Cruz ay kapwa kabilang sa drugs watchlist.
Nakuha sa mga suspek ang aluminum foil, dalawang disposable lighter, isang weighing scale, isang kahon ng sapatos, tatlong cellphone, isang Toyota Vios na may plakang ALA1169, P5,000 cash at P45,000 halaga ng boodle money.
Aabot sa 2.8 kilo ang nasamsam na hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P19,040,000.
Mahaharap ang walong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, 13, 12 at 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.