Asian Development Bank, pinondohan ang binuksang Molecular and Diagnostic Pathology Laboratory sa JBLMGH sa Pampanga
Pinondohan ng Asian Development Bank ang binuksang Molecular and Diagnostic Pathology Laboratory sa J.B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) sa San Fernando, Pampanga, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bahagi ito ng pagpapatigting ng testing capacity at pagpapadami ng quarantine facilities hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang probinsya sa bansa.
Sinabi pa nito na makatutulong ang aniya’y “state of the art laboratory” para madagdagan ang maisasagawang pagsusuri at pag-aaral sa sakit.
“Ang pagbubukas ng nasabing laboratoryo ay isang malaking hakbang tungo sa ating ‘new normal’ sapagkat ang laboratoryo na ito ay makakadagdag sa atin ng 3,000 tests kada araw sa ating national daily testing capacity,” pahayag nito.
Ayon naman kay Kelly Bird, Country Director ng Southeast Asia Department Asian Development Bank Philippines Country Office, makatutulong ang laboratoryo para maabot ng kagawaran ang target na 30,000 tests kada araw.
Magagamit din aniya ang laboratoryo para makapagsagawa ng pag-aaral sa iba pang mga sakit sakaling matapos na ang COVID-19 pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.