COVID-19 cases na nadadagdag sa bansa kada araw, hindi dapat ikabahala – DOH
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hiindi dapat ikabahala ng publiko ang daan-daang kaso na napapaulat na bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kada araw.
Nitong mga nakaraang araw, mahigit 100 hanggang 300 ang napapaulat na bagong kaso ng nakakahawang sakit sa bansa.
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ito ay dulot ng patuloy na pagpapaigting ng national testing capacity sa bansa.
Ibig sabihin aniya nito ay natatapos nang i-proseso ang mga datos na naiwan nitong nakaraang linggo.
“Habang tumataas ang ating testing capacity ay inaasahan nating tataas din ang na-test natin dahil sa backlog. Ngunit hindi po ibig-sabihin ay dumadami ang mga bagong kaso. Ang ibig-sabihin lang po ay natatapos nang i-proseso ang mga datos na naiwan nitong mga nakaraang linggo,” ani Vergeire.
Dagdag pa nito, nangangahulugan din ito na lumalakas ang response measure ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 crisis.
“Ang pagtaas ng bilang ng confirmed cases ng COVID-19 kasabay ng paglakas ng ating testing capacity ay may isang indikasyon na mas lumalakas pa po ang response measure at mas nagiging aggresive po tayo na mas makapag-test, detect at isolate,” pahayag nito.
Samantala, malaking tulong din aniya ang ipinatupad na enhanced community quarantine para makapaghanda ang health system ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Hindi aniya tumataas ang kaso sa Pilipinas kumpara sa laki ng naitatalang kaso sa ibang bansa.
“Dahil po sa mababang bilang ng mga kaso sa Pilipinas, ang ating mga ospital at healthcare workers ay mas nabibigyang pinsan ang pagpapagaling sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.