LGUs na hindi tatanggap ng mga uuwing OFWs matapos ma-clear sa COVID-19 binalaan ni Pangulong Duterte
Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units (LGUs) na ayaw payagang makauwi sa kani-kanilang lugar ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kahit pa cleared na sa COVID-19 ang mga ito.
Sa kaniyang public address, sinabi ng pangulo na nakatanggap siya ng mga ulat na may mga bayan o lungsod na hindi pumapayag na makauwi sa kanilang hometown ang mga OFW.
Partikular aniyang nangyayari ito sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa pangulo, kung ang OFW ay nabigyan na ng clearance ng medical authorities sapat na itong dahilan para payagan silang makauwi sa kanilang mga lugar.
Maliban dito, ang mga OFW naman aniya ay mandatory na isinasailalim sa 14 na araw na quarantine at sinusuri muna bago isyuhan ng clerance.
Ayon sa pangulo nauunawaan niya ang ginagawang pag-iingat ng mga LGUs, pero karapatan ng mga OFW na makauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.