“5-M pamilyang itsa-pwera sa SAP, tatanggap na rin – Pres. Duterte” sa WAG KANG PIKON! ni Jake J. Maderazo
Sa wakas, inamin na rin ng DSWD at Department of Finance ang kanilang pagkakamali sa malaking “kakulangan” ng “social amelioration program” sa mga mamamayang tinamaan ng ECQ at COVID-19. Sa halip na 18M households ang makakatanggap, dinagdagan ito ng Pangulong Duterte ng para sa 5-M pang pamilya.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, “Ito ay isang pamamaraan din para humingi ng pasensya sa mga di nakatanggap, dahil hanggang ngayon po na-de-delay ang release ng first tranche.” “Ito po ay patunay na, unang-una tumutupad po sa pangako ang ating Presidente. Sinabi niya na lahat ng nangngailangan mabibigyan.”
“Ipapatupad natin yan, dahil alam ng ating Presidente kung gaano kahirap ang buhay sa ilalim ng ECQ,” ayon pa kay Roque.
Mayo 7 ang deadline sa mga LGU para ipamigay ang unang tranche ng SAP, na naantala dahil sa pabago-bagong patakaran ang DSWD at Dept of Finance. Nagsimula ang problema dahil ang inilista nilang kwalipikado ay 54.28 percent lamang ng mga households noong 2015 census.
Bukod dito, buong bansa ay tumanggap ng SAP kahit ang mga lugar na hindi naman naka-lockdown o ECQ at ang mga tao roon ay tuluy-tuloy ang hanapbuhay.
Idagdag pa riyan ang paulit-ulit na deklarasyon ni Presidente Duterte na lahat ng mahihirap ay makakatanggap ng biyaya.
Kaya naman, nahilo ang mga NCR Mayors nang utusan ng Malakanyang at DILG na ipamahagi ang SAP sa 54.28 percent sa kanilang mga lungsod at bayan. Sa totoo lang, napakamaraming nagrereklamo at may banta pang mga protesta dahil karaniwang “assumption” dito na mula 60 hanggang 70 percent ng mga mahihirap na pamilya. Nagkaisa ang Metro Manila Council na humiling ng karagdagang pondo para punan ang malaking kulang ng DSWD-DOF.
Tandaan natin na “bugbog sarado” na rin ang calamity funds at IRA ng mga LGU dahil sa walang tigil na pamimigay ng “relief goods” sa higit 40 araw nating lockdown at talagang dedma silang aksyunan ang SAP ng DSWD at DOF.
Kaya naman, maganda at tamang-tama ang Malakanyang na dagdagan ng limang milyong pamilya ang tatanggap ng SAP sa mga susunod na araw. At sa ngayon, ito’y doon lang sa mga apektado ng ECQ. Hindi katulad dati na buong bansa ay tumanggap kahit hindi naka-lockdown.
Sa bagong direktiba, tatanggap ng “cash subsidy” ang mga pamilyang nawala sa “DSWD-DOF cut-off na 54.28 percent sa listahan ng 2015 census. Dahil dito, pwede nang isama muli ang mga pamilyang napwera dahil nasa itaas sila ng “cut-off.” At kung magkakaroon pa ng balance sa listahan, ito’y kaya nang abonohan ng mga LGU.
Kung susuriin, wala dapat naging problema kung bago maisabatas ang Bayanihan act, ay sinabi sa publiko na hindi lahat makakatanggap ng tulong mula sa gobyerno sa pamahon ng lockdown. Ang problem po, maliwanag ang utos ng Pangulong Duterte, nagka-windang windang lang sa ibaba, dito nga sa DSWD at Department of Finance. Bukod sa “palpak” at kulang ang makakatanggap, inakala nilang ididispatsa kaagad ito ng mga mayors. Ang problema, hindi lang mayors pati mga tao ay nagalit.
Mabuti na lang mabilis umaksyon si President Duterte at nag-apologize pa.
Kinorek agad ang mga pagkakamali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.