Extreme ECQ, ipatutupad sa Navotas simula May 6 hanggang 15
Magpapatupad na ng Extreme Enhanced Community Quarantine (EECQ) sa Navotas City simula 5:00, Miyerkules ng madaling-araw (May 6) hanggang 11:59, Biyernes ng gabi (May 15).
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, kailangan nang magsagawa ng matinding akyson para mapigil ang pagdami ng kaso ng COVID-19.
“Sa nalalabing araw ng ECQ, kailangang magsagawa tayo ng matinding aksyon para matigil ang pagdami ng kaso o magkaroon ng “flattening of the curve.” Ito lamang ang paraan para makapamuhay tayo sa “new normal” sa ilalim ng GCQ at maiwasan ang panganib ng pagdami muli ng mga kaso,” ani Tiangco.
Sinabi ng alkalde na sa ilalim ng EECQ, ang mga residente sa bawat barangay ay mayroon lamang nakatakdang araw upang makalabas ng bahay para mamili ng mga pangunahing pangangailangan.
Papayagan lamang makalabas ang sinumang may hawak ng home quarantine pass at dapat nakasuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig.
Narito ang schedule ng paglabas sa mga sumusunod na barangay:
Tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes:
– SRV
– NBBS Kaunlaran
– Bangkulasi
– BBS
– Navotas East
– Sipac-Almacen
– Daanghari
– Tangos North
– Tanza 1
Tuwing Martes, Huwebes at Sabado:
– NBBS Proper
– NBBS Dagat-Dagatan
– NBBN
– BBN
– Navotas West
– San Jose
– San Roque
– Tangos South
– Tanza 2
Ayon kay Tiangco, wala namang maaaring lumabas tuwing Linggo dahil ito ang araw para sa disninfection sa mga pamilihan.
Magbubukas ang lahat ng mga palengke, talipapa at grocery stores mula 5:00 ng madaling-araw hanggang 8:00 ng gabi.
“Mananatiling bukas ang mga drugstores o parmasya sa Linggo, May 10, para lamang magbenta ng emergency medicines. Walang itong ibibentang ibang produkto maliban sa gamot,” dagdag ng alkalde.
Patuloy din aniyang ipatutupad ang liquor ban sa lungsod.
Hindi naman kasama o exempted dito ang frontliners at essential workers na awtorisado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.