Sesyon sa senado magiging hybrid ayon kay Senate President Tito Sotto III
Nagkausap na ang karamihan sa mga miyembro ng mayorya sa mga Senador kahapon kaugnay sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa darating na Lunes, Mayo 4.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III at aniya nasubukan na nila ang pag-uusap sa pamamagitan ng teleconferencing.
Ayon kay Sotto, isa sa napag-usapan ay ang resolusyon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nagsusulong na makabahagi ang mga senador sa sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing.
Dagdag ni Sotto ang mga darating na sesyon ay posible na ‘ hybrid sessions.’
Paliwanag niya, ito ay kombinasyon ng tele-conferencing at actual session sa Session Hall ng Senado, na ibig sabihin may mga senador na makikibahagi sa talakayan sa pamamagitan ng virtual attendance at may mga senador na aktuwal na nasa loob ng session hall.
Inulit ng senador na ang teleconferencing resolution ay muling pag-uusapan sa pagbabalik sesyon sa Lunes.
Hindi pa rin masabi ni Sotto kung kailangan na dumalo sa aktuwal na sesyon sina Zubiri, Sen. Sonny Angara at Sen. Koko Pimentel, na pare-parehong nag-positibo sa COVID 19.
Sina Zubiri at Angara ay gumaling na sa sakit, samantalang wala pang anunsiyo mula sa kampo ni Pimentel.
Wala pa rin kasiguruhan kung maari nang makibahagi sa teleconferencing session ang nakakulong na si Sen. Leila de Lima.
Ayon kay Sotto, wala kasi sa Senado ang hurisdiksyon sa ngayon kay de Lima, kundi nasa mga korte at pambansang pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.