Pulis-Maynila timbog sa ‘pamamasada’ sa Tayabas City
Mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo ang isang pulis-NCRPO dahil sa ilegal na pagbiyahe ng pito katao sa Tayabas City.
Ipinaalam kay NCRPO Dir. Debold Sinas ang pag-aresto kay Patrolman Nerio Bravo Jr. ng District Mobile Force Batallion at nakatalaga sa US Embassy.
Ayon kay Police Maj. Mark Tapalla, pasado 12:00 ng tanghali noong Huwebes nang mahuli nila si Nerio.
Aniya, siningil diumano ng pulis ng tig-P2,500 ang kanyang pitong pasahero para maibiyahe mula Taytay, Rizal hanggang Tayabas City at kinontrata niya ang mga ito sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Kinilala naman ang pitong sakay ng Mitsubishi Xpander ni Nerio na sina Joseph Aviles Adan; Jayson Dialo Nanea; James Paulo Abcede; Raymund Oblea Lavado; Aillen Roxas Villafria; Maria Yandama Dialola; at Arvie Dialola Lavado.
Ibiniyahe ni Nerio ang pito habang nakasuot ng uniporme para makalusot sa mga quarantine checkpoints.
Ipinag-utos na ni Sinas ang pagbawi sa service firearm ni Nerio habang inihahanda na ang mga kinauukulang kaso laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.