Pagbasura sa kaso laban kay Taguig Mayor Cayetano, pinagtibay ng Sandiganbayan
Pinagtibay ng Sandiganbayan ang pagbasura ng kaso laban kay Taguig City Mayor Lani Cayetano kaugnay ng umano’y pag-padlock nito sa session hall ng City Hall noong 2010 para hindi raw makapagdaos ng assembly ang City Council.
Sa limang pahinang resolusyon, sinabi ni Sandiganbayan First Division Chairman, Associate Justice Efren dela Cruz na bigo ang prosekusyon na iprisinta sa kanilang motion for reconsideration ang anumang valid na argumento o ebidensya na magbabaligtad sa una nilang pagbasura ng kaso laban kay Cayetano at City Administrator Jose Luis Montales.
Noong October 2015, nagsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman laban kina Cayetano at Montales dahil sa paglabag sa Revised Penal Code.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y labag sa batas na tangka na pigilan ang assembly ng city council noong August 2010 sa pamamagitan ng pag-padlock sa City session hall.
Sinabi ng Ombudsman na dahil dito ay napilitan ang sangguniang panglungsod na magsagawa ng una at sumunod na labing-apat na sesyon ng kanilang assembly sa hagdan sa City Hall dahil hindi sila kasya sa City auditorium.
Pero ipinunto ng anti-graft court na sinulatan ni Montales si Vice Mayor George Elias at ang City Council ukol sa re-engineering at re-organization plan kaya sarado ang session hall pero may inilaan na mga kwarto para sa mga opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.