Nanawagan si Senator Grace Poe sa mga pulis at sundalo na habaan ang pasensiya kasabay nang pagpapatupad ng lockdown protocols.
Aniya, dapat ay pakinggan at intindihin ng mga awtoridad ang sitwasyon ng mamamayan ngunit pakiusap din naman ng senadora sa mamamayan na manatili na lang sa kanilang mga tahanan.
Kasabay naman ng muling pagpapalawig ng enhanced community quarantine sa malaking bahagi ng Luzon, kasama na ang Metro Manila, sinabi ni Poe na dapat ay mas madaliin pa ng gobyerno ang pagbibigay ng ayuda lalo na sa mga lubos na nangangailangan.
Aniya, dapat ay mag-‘double time’ na ang mga kinauukulang ahensiya dahil mas pinatindi ng krisis ang paghihirap ng masa.
Pagdidiin ni Poe para talagang matalo na ang COVID-19, kailangan ikasa na nang husto ang massive testing at dagdagan ang kapasidad ng mga ospital, gayundin ang pagbibigay tulong sa mga medical and health personnel.
Kailangan aniya na maging mapanuri sa bawat hakbang para hindi mabalewala ang mga positibong nangyayari sa pakikipaglaban sa nakakamatay na sakit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.