Pangalan ng COVID-19 patients hindi kailangang isapubliko ayon sa National Privacy Commission
Hindi kailangang ilantad ang pangalan ng mga COVID-19 patient para maisagawa ang contact tracing.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Commission Mon Liboro ng National Privacy Commission, kakayaning epektibong maisagawa ng pamahalaan ang contact tracing kasabay ng pagpapanatili sa privacy ng mga pasyente.
Ani Liboro, hindi naman kailangang ilantad ang pangalan ng mga pasyente.
Ang mahalaga lang ay mailahad ang mga lugar na pinanggalingan nito para maalerto ang mga posibleng nakasalamuha niya at agad makipag-ugnayan sa gobyerno.
Sa ilalim ng Data Privacy Act sinabi ni Liboro na pinapayagang makuha ang mga detalye ng pasyente kapag talagang may pangangailangan.
Pero dapat ay matiyak na tanging ang mga otoridad lamang ang gagamit at kailangang mapatunayan ang pangangailangan nito.
“Ang aming payo sa IATF, collect what is necessary but disclose only to proper authority,” sinabi ni Liboro.
Sinabi ni Liboro na may sapat ang probisyon sa Data Privacy Act para magampanan ng gobyerno ang kailangang gawin na magsagawa ng contact tracing at gumamot ng mga pasyente ng COVID-19.
Sapat din ang probisyon sa batas para ang privacy ng mga pasyente ay maprotektahan.
“Pwedeng magampanan ng gobyerno ang tungkulin at layunin nang hindi napagsasawalang bahala ang privacy ng indibidwal,” dagdag ni Liboro.
Ani Liboro, ang banta ng stigma at diskriminasyon ay hindi lamang sa pasyente ng COVID-19 kundi maging sa kaniyang mga kaanak kaya mahalagang maprotektahan ang kaniyang pagkakakilanlan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.