DOH sa COVID-19 cases sa Pilipinas: “Hindi pa rin natin masasabi na nagpa-flatten ang curve ngayon”
Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na batay sa mga nakukuhang datos, may indikasyon lamang na nagpa-flatten ang curve sa mga kaso ng nakakahawang sakit sa bansa.
Ngunit ani Vergeire, “dahil ang tinitignan natin dapat ay araw kung kailan nag-uumpisa ang sintomas ng tao, hindi pa rin natin masasabi na nagpa-flatten ang curve ngayon.”
“We are improving in our case doubling time o pagitan ng oras na kailangan sa pag-doble ng bilang ng kaso ng COVID-19,” dagdag pa nito.
Bumabagal na aniya ang doubling time sa bansa.
Kung dati ang doubling time sa bansa ay tatlong araw, sinabi ni Vergeire na ngayon ay nasa limang araw na.
Ibig-sabihin nito, mas mabagal na aniya ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Gayunman, hindi aniya ito nangangahulugan na dapat nang maging complacent o magpakampante ang publiko.
“Ang sinasabi lang po nito, bumabagal ang pagdami ng kaso pero hindi ibig-sabihin ay magiging complacent tayo at bibitaw na tayo. May saysay po lahat ng pagsasakripisyo natin pero hindi dapat tayo basta-basta na lang magre-relax,” dagdag ni Vergeire.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.