Pagdeklara ng mala-martial law, ibinabala ni Pangulong Duterte
Ibinabala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng kahalintulad sa martial law kapag patuloy na dumami ang mga pasaway at hindi susunod sa enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.
Sa public address ng Pangulo, Huwebes ng gabi (April 16), sinabi nito na nakahanda na ang mga sundalo at pulis na mag-take over sa pagpapatupad sa social distancing at curfew.
“I am just asking for your disiplina, konti. Kasi pag ayaw ninyo, ayaw ninyong maniwala, mag take order ang military pati ang pulis. I am ordering them now to be ready. Ang pulis pati ang military ang mag enforce, sa distance sa social distance at yang curfew. Sila na. Parang martial law na rin tayo. Ayaw ko pero pag ka naipit na yang bayan, at walang disiplina kayo, di na bale sana kung di kayo maniwala sa akin, wala naman akong paki, di naman tayo kaibigan, di naman tayo kapartido. Ayaw ninyo sa akin eh di okay lang,” pahayag ng Pangulo.
Apela ng Pangulo sa publiko, anuman ang kulay o partido na kanilang kinabibilangan, sumunod na muna sa mga batas na itinatakda para maayos na maipatupad ang ECQ at tuluyang malabanan ang paglaganap ng COVID-19.
“Pero ngayon anuman partido mo o ano man kulay mo sumunod ka maski pag hindi, ang kaharap mo sunod military na at pulis. Yan ang ano ko. Ngayon, kailan talaga estimate bigyan mo kami. Baka next week. Every day they are at it ika nga nandyan na sila nakatutok. Habulan sila ngayon,” pahayag ng Pangulo.
Ikinadidismaya ng Pangulo ang ilang residnete na naaresto dahil sa paglabag sa ECQ, pagbiyahe sa mga lansangan ng hindi awtorisado at pagsusugal.
“Hindi nga naman ito martial law pero parang martial law na rin in the sense that I have to impose something on you for your own good and for the good of the country and people,” pahayag ng pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.