Mga kabataan, hinimok na kumuha ng medical-related course
Naniniwala si House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera na kailangan ng Pilipinas ng dagdag na mga doktor at nurse para mapalakas ang health care system sa bansa.
Ayon kay Herrera, kaya nararapat lamang na mahikayat ang mga kabataang Filipino na kumuha ng kursong Medisina at Nursing para mapunan ang kakapusan sa health professionals na pinalala pa ng COVID-19 crisis.
Mas magiging epektibo aniya ang pagtugon ng bansa sa anumang banta ng pandemic sa hinaharap kung magiging malakas ang health care system.
Bago pa man aniya tumama ang COVID-19 pandemic ay kulang na ang health professionals sa bansa dahil sa mas magandang oportunidad sa abroad.
Sa kasalukuyan, ang ratio aniya sa Pilipinas ay isang doktor para sa 33,000 katao gayung ang global average ay isa sa kada 6,000.
Base sa datos ng Philippine Medical Association, sa kabuuan ay mayroong 130,000 lisensyadong doktor ang bansa pero nasa 70,000 lamang ang aktibo dahil marami sa mga ito ang mas piniling maging nurse at magtrabaho sa ibang bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.