DepEd Sec. Leonor Briones positibo sa COVID-19
Nagpositibo sa COVID-19 si Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Briones na kahapon, April 8 ay ipinabatid sa kaniya ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibo ang resulta ng kaniyang COVID test.
Ito na ang ikalawang test kay Briones. Ang una ay noong March 13 kung saan na-expose siya sa posibleng COVID-19 carrier.
Pero negatibo ang resulta ng una niyang test.
Noong April 2 ay muling nagpa-test si Briones matapos na isang miyembro ng gabinete ang nag-anunsyo na positibo ito sa sakit.
Sinabi ni Briones na nakasama niya sa isang urgent at critical meeting ang nasabing cabinet member noong March 23.
Sa ngayon ay nananatiling asymptomatic si Briones at tatlong beses na minomonitor ang kaniyang body temperature.
Bagaman naka-isolate ay sinabi ni Briones na patuloy siyang magtatrabaho at dadalo sa pulong ng IATF at pangungunahan ang DepEd Execom at Mancom.
Nanawagan naman si Briones sa mga nagkaroon ng physical contact sa kaniya nitong nagdaang mga araw na magself-quarantine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.