Dapat paspasan ang pamamahagi ng tulong pinansiyal mula sa P200 bilyon na nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act.
Ito ang sinabi ni Senadora Grace Poe dahil aniya kung matatagalan pa ay maaring nararanasang ‘mass hunger’ ngayon ay maging ‘mass anger’ na.
Naiintindihan naman niya ang hirap at mga hamon sa gagawing pamamahagi ng pera sa 18 milyong pamilya ngunit napakahalaga na maisagawa ito sa pinakamabilis na panahon.
Giit ni Poe, unahin na ang mga lubos na nangangailangan habang kinukumpleto ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo.
Dapat din aniyang magtakda ng panahon ang DSWD kung kailan maipamamahagi ang pera dahil pahiwatig nito nagsisimula nang magligalig ang ilan dahil wala ng makain.
“Milyun-milyong kaldero na ang walang laman at kailangan na silang lagyan. Ang ingay na hindi dapat nating ipagwalang-bahala ay mula sa tiyan ng mga walang-wala,” dagdag pa ni Poe, sabay dagdag, “Para mawala ang tensyon, kailangang makita ng tao na iniaabot na ang pera. Walang higit na makapagpapakalma sa kanila kundi ang makatanggap ng pambili ng pagkain at iba pang gamit.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.