Daloy ng trapiko sa ilang lugar sa Metro Manila nagsikip sa unang araw ng kampanya
Nagsikip ang daloy ng trapiko sa ilang mga lansangan sa Metro Manila kasabay ng pagsisimula ng kampanya para sa mga kandidato sa national positions.
Pasado alas-kwatro ng hapon ng simulan ng tambalang Poe-Escudero kasama ang kanilang mga senatorial candidates ang kampanya sa Plaza Miranda sa Quiapo Maynila.
Bago pa simulan ang kampanya ay halos hindi na madaanan ang magkabilang panig ng Quezon Blvd. dahil sa dami ng mga sasakyan at mga tao sa lugar.
Alas-singko naman ng hapon nang simulan ang pangangampanya sa Welfareville Compound sa Nueve de Pebrero sa Mandaluyong City ng grupo nina Vice-President Jejomar Binay at Sen. Gringo Honasan.
Kaninang umaga pa lamang ay masikip na ang daloy ng trapiko sa lugar dahil sa isinarang bahagi ng kalsada na pinagtayuan ng entablado para sa pagsisimula ng kanilang kampanya.
Ngayong hapon din ipinagpatuloy nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Cayetano ang pangangampanya sa Tondo sa lungsod ng Maynila.
Isinara rin sa daloy ng trapiko ang bahagi ng Zamora street at Moriones na naging sentro ng pagtitipon ng mga kaalyado at taga-suporta sa pulitika.
May pakiusap naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga political parties na makipag-ugnayan muna sa kanilang tanggapan kung magkakaroon ng motorcade sa Metro Manila ang ilang mga pulitiko.
Ayon sa MMDA, kailangan ang koordinasyon para maisa-ayos ang daloy ng trapiko sa mga lugar na pupuntahan ng mga kandidato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.