Liquor ban sa buong Maynila epektibo na ngayong araw
Ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang temporary liquor ban sa kasagsagan ng State of Calamity dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Pinirmahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang executive order na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at distribusyon ng anumang nakakalasing na inumin tulad ng beer at wine simula Lunes, ika-30 ng Marso.
Alinsunod ito sa General Welfare Clause na napapaloob sa Local Government Code of 1991 kung saan ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring magpatupad ng mga emergency measures sa panahon ng krisis o kalamidad.
Una nang ikinadismaya ni Moreno ang patuloy na pag-labag ng ilan sa social distancing at sa curfew na ipinapatupad ng lungsod dahil sa mga ulat ng pagtitipon at inuman sa labas ng tahanan.
“Kahapon may mga lasing, may mga nagka-karaoke pa, tambay sa kalsada, nagpaparty-party pa. Ngayon, para wala na kayong dahilan para makahanap ng alak,” saad ng Alkalde.
Mahigpit din nitong ipinagbibilin sa lahat ng mga negosyante na sinumang lalabag sa liquor ban ng lungsod ay may kakaharaping karampatang parusa.
Sabi ni Moreno, “Ipininagbabawal na po at binabawi pansamantala ang pribilehiyo sa mga tindahan na nagtitinda ng alak. Hindi na po kayo pwede magtinda ng alak bukas. Any violation shall lead to the revocation of Mayor’s and Business Permit.”
Nanawagan din ang alkalde sa lahat ng Manileño na intindihin ang sitwasyon at alalahanin ang kapwa sa panahon ng krisis sa bansa.
“Uunawain ko kayo, pero hindi ko kayo papayagang makaperwisyo. Ayoko mabalewala ang sakripisyo ng nakararami dahil sa iilan,” pagtatapos ng alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.