Mga nagpapakalat ng fake news ukol sa COVID-19, maaring parusahan sa Bayanihan Act of 2020.
Nagbabala si House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera sa mga nagpapakalat ng fake news ukol sa COVID-19 na may parusang kaakibat ang inaprubahang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020.
Ayon kay Herrera, bukod sa layunin na labanan ang COVID-19 at mabigyan ng ayuda ang lahat ng sektor, nakapaloob din sa batas na nagbibigay ng dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na parusahan ang mga nagpapakalat ng ‘fake news’ tungkol sa Coronavirus na nagdudulot ng takot, gulo at panic sa publiko.
Nakasaad sa Bayanihan Act na patawan ng dalawang buwan na pagkakabilanggo o multang P1 milyon o parehong parusa, ang mga indibidwal o grupong mapapatunayang guilty sa pagkakalat ng pekeng balita sa social media at sa mga kaparehong platforms.
Tiniyak ng lady solon na seryosong ipapatupad ng gobyerno ang pagpaparusa sa mga nagpapakalat at gumagawa ng fake news gamit ang isyu ng COVID-19.
Muli namang nilinaw ni Speaker Alan Peter Cayetano sa publiko ang kahalagahan ng ginawang pagapruba ng Kongreso sa pagbibigay ng special powers sa Pangulo.
Aniya, ipinasa ang Bayanihan Act upang magkaroon ng mas malawak na kakayahan ang gobyerno para labanan ang COVID-19 habang ang publiko naman ay dapat na sumunod na manatili sa mga tahanan para mas madali sa mga health workers na matukoy at maihiwalay ang mga maysakit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.