Tatlong taong gulang na kidnap victim, nakalaya na
Nakita ng isang concerned citizen na palabuy-laboy sa Barangay Buanza, Indanan, Sulu ang tatlong taong gulang na si Ace Jay Garban dakong alas dos beinte kuwatro ng hapon ng Linggo at kagyat na ipinaalam ito sa mga militar na nasa area.
Agad namang dinala ng mga military personnel si Jay sa Barangay Tulay, Jolo, Sulu kung saan tinanggap ito ng Joint Internal Defense Force ng Joint Task Group Sulu (JTGS) at ni 501st Brigade Deputy Commander Col. Bernie Sun.
Sa utos ni Brigadier General Alan R. Arrojado, JTGS Commander, dinala ni Colonel Sun ang kidnap victim sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Trauma Hospital kung saan dineklara siya ni Officer in Charge Captain Sedicol na nasa normal na kondisyong pangkalusugan. Nirekomenda nito ang patuloy pang pagsusuri sa bata upang i-rule out ang post-traumatic disorders.
Kinidnap si Ace Jay sa isang fishing port sa Barangay Poblacion, Pitogo, Zamboanga del Sur noong Marso 31 ng nakaraang taon kasama ang kanyang dalawang taong gulang na kapatid na si Zynielle at ang labingwalong taong gulang na bakery worker na si Ledegie Tomarong.
Ginawa silang human shield ng sampung mga kalalakihan na nakipagbarilan sa mga pulis matapos nabigo ang mga ito na kidnapin ang kanilang original target na si Chzarenia Kapa Sajulga, ang may-ari ng bakery.
Tatlong araw matapos ang pangingidnap ay nakita ang bangkay ni Zynielle na palutang-lutang sa dagat. May palatandaan ito ng pananakal.
Nagawa naman ni Tomarong na tumakas noong Hulyo 20, 2015 habang nakikipagbakbakan ang mga Abu Sayyaf na may hawak sa kanya laban sa mga tropa ng 35th Infantry Battalion sa Kagay, Indanan, Sulu. Naging kagawian na ng sari-saring kidnap for ransom groups na ipasa ang kanilang kidnap victims sa Abu Sayyaf Group sa Sulu o Basilan.
Sakay ng isang commercial boat, kasama si Col. Sun, inaasahang makakarating si Ace Jay sa Zamboanga City ngayong umaga kung saan tatanggapin siya ni Major General Gerardo Barrientos Jr., Commander ng ZAMBASULTA, at ni Lieutenant General Mayoralgo dela Cruz, Commander ng Western Mindanao Command. Ililipat ang pangangalaga kay Ace Jay sa Social Welfare Office sa Zamboanga City na siyang makikipag-ugnay sa pamilya nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.