Lumang airport sa Cagayan de Oro City, gagamiting storage facility
Nilinaw ng Malakanyang na gagamiting storage facility para sa mga disaster relief ang lumang Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City.
Ito ang tugon ng Palasyo sa ulat na kinumpirma umano ni Department of National Defense Sec. Voltaire Gazmin na gagamitin ang nasabing paliparan bilang US military depot.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Sonny Coloma, nakalaan ang tinutukoy na pasilidad para sa mga kagamitan na gagamitin sa panahon na may kalamidad sa bansa.
Bahagi aniya ito ng programang Humanitarian Assistance and Disaster Relief o HADR na mahalagang elemento ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Sinabi rin ni Coloma na makakatulong ang nasabing pasilidad para sa agarang paghatid ng tulong at kalinga sa mga maaapektuhang komunidad sa panahon ng bagyo, lindol o iba pang kalamidad na tatama sa bansa.
Iginiit ni Coloma na ipinagbawal na ang pagtatayo ng base militar ng US sa naturang pasilidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.