PNoy, dadalo sa LP campaign kick-off sa Capiz at Iloilo
Dadaluhan ni Pangulong Noynoy Aquino ang campaign kick-off ng Liberal Party sa Capiz at Iloilo sa Martes.
Ito ang inanunsiyo ng Malakanyang kahapon kasabay ng pagbibigay ng payo sa mga botante na siyasating mabuti ang mga kandidatong iboboto sa eleksyon sa Mayo.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Undersecretary Manuel Quezon III na dapat pakinggan ng publiko ang mga debate at programa ng mga kandidato upang magkaroon ng kaalaman sa plataporma at karakter ng mga kandidato.
Mahalaga aniya ang campaign season para sa mga botante dahil sila ang mamimili ng iboboto sa nalalapit na eleksyon.
Tiniyak naman ni Quezon sa publiko na hindi magagamit sa partisan o pampulitikang layunin ang pondo ng gobyerno habang ikinakampanya ng pangulo ang mga kandidatong pambato ng administrasyon.
Opisyal na magsisimula na ang tatlong buwang campaign period ng mga kandidato sa eleksyon sa Mayo sa Martes, February 9.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.