PCG may libreng sakay para sa medical workers sa Maynila
May libreng-sakay na alok ang Philippine Coast Guard o PCG para sa mga health worker na nagta-trabaho sa mga ospital sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay PCG Commodore Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, kahapon ay nagsimula na silang magbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong pauwi ng Cavite.
At ngayong araw, nag-deploy ang PCG ng mga bus para maihatid ang mga health worker sa pinapasukan nilang ospital sa Maynila.
Simula kaninang alas-6:00 ng umaga, may mga bus na ang PCG sa LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City para magsakay ng mga health worker.
Sinabi ni Balilo na ang libreng-sakay ay tulong para sa health workers at upang matiyak na makakapag-serbisyo sila sa taumbayan sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus disease o COVID-19.
Sa mga health worker na nais na mag-avail ng libreng sakay, sinabi ni Balilo na magpadala lamang ng mensahe sa official Facebook Page ng PCG.
Ang mga health worker naman na nakatira malayo sa LTO Central Office, makipag-ugnayan din sa PCG official Facebook page para makapag-takda ng iba pang posibleng pick-up points.
Bilang bahagi naman ng preventive measure, ang mga sasakay sa bus ay kukuhanan ng body temperature, at bibigyan ng alcohol para ma-sanitize ang kanilang mga kamay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.