Mga kalapit-lalawigan ng NCR, ipinasasama ni Speaker Cayetano sa community quarantine
Sa halip na total lockdown, nais ni House Speaker Alan Peter Cayetano na i-extend sa Greater Manila area ang ipinapatupad na community quarantine sa Metro Manila.
Sa isang press conference, sinabi ni Cayetano na mas mainam na palawigin ang sakop ng community quarantine at isama na ang mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna at ang Bulacan.
Paliwanag ng lider ng Kamara, labas-masok din naman sa NCR ang mga mangaggawa mula sa mga nasabing probinsya kaya expose rin sa virus ang kanilang mga lugar.
Nasa 16 na milyon aniya ang populasyon ng Kalakhang Maynila tuwing araw habang nasa 12 hanggang 13 milyon sa gabi.
Nangangahulugan, ayon kay Cayetano, na ang dalawa hanggang apat na milyon ay galing sa kalapit lalawigan na labas-masok ng NCR.
Mahihirapan din aniya ang pamahalaan na mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 kung marami pa rin ang nagpupunta sa ibang lugar na hindi naka-quarantine.
Ayaw naman aniya nila na ipahinto ang trabaho dahil mamamatay sa gutom ang mga tao kaya mainam na palawakin ang sakop ng community quarantine.
Mas mainam aniya ito dahil mas mapoprotektahan ang publiko.
Bukod dito, bawas abala ito sa lahat maging sa mga pulis at sundalo na nagbabantay sa mga check point papasok ng Metro Manila.
Mapoprotektahan din aniya nito ang mga taga ibang lalawigan tulad na lamang ng Pampanga at Quezon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.